
Tuesday, August 31st, 2010
TITIK AT TONO: MGA HIMIG PARA SA ISANG KASAL
Sa paghahanda sa kasal naming magkasintahan, abala ang marami sa iba’t ibang mga bagay: kasuotan, pagkain, imbitasyon, ayos ng mga upuan, at kung anu-ano pa. Tumulong din ako sa mga bagay na ito, ngunit may isang bahaging itinalaga talaga sa akin; ano pa nga ba, kundi musika. Toka ko ang pagpili ng patutugtugin (sa player), gayundin ang pag-aareglo sa mga tutugtugin (ng banda). Ang hindi ko napagtanto nang maaga ay kung papaanong, sa kultura-musikal na aking kinagisnan, ang mga awitin ng pag-ibig ay kadalasang mga awitin rin ng kabiguan. “Hindi pang-kasal ang mga ito,” naisip ko, habang sinusuyod ang mga CD at samu’t saring mga music folders ko sa opisina. Isang malaking daigdig ng romantikong pighati ang industriya ng musika, at bibihira ang pumapatok na mga positibong love song. Siguro nga’y mas maraming bigo kaysa kontento sa larangang ito, at kitang-kita ito sa mga tala ng Billboard at sa iba pang mga listahan ng kung sinu-sinong kritiko. Ganitong mentalidad rin siguro ang umiiral kung bakit wala gaanong mga awitin tungkol sa buhay-mayaman (puwera sa ilang porma ng rap), o kung bakit wala gaanong mga awitin tungkol sa pagiging pogi’t maganda (puwera sa ilang porma ng rap).
Hindi ibig sabihin nito’y walang mga awitin patungkol sa pungay-matang pagliligawan, o sa hawak-kamay na romantisismo. Dalawang awitin ni Brian Wilson ng Beach Boys ang unang sumagi sa isipan: ang “Wouldn’t It Be Nice” at ang “God Only Knows.” Ang unang nabanggit na kanta ay tungkol sa magkasintahang kabataan na hindi makapaghintay na sila’y tumanda na, nang sa gayo’y makapag-isang-dibdib na sila; ang ikalawa naman, sa aking opinyon (ganito rin ang naging opinyon noon ni Paul McCartney ng Beatles), ay isa sa pinaka-sopistikadong piyesa sa kasaysayan ng popular na musika. Ginamit namin ang “Wouldn’t” bilang tugtog pagkatapos ng proklamasyon naming magkasintahan bilang bagong mag-asawa, samantalang ang “God” naman ay ginawa kong coup de grace ng CD na ipinamigay namin bilang souvenir. Isa pang awit na ‘di mapagkakaila ang pagka-romantiko ay ang klasikong awitin ni Cole Porter na “You’re the Top,” kung saan nagtatala si Ginoong Porter ng mga “matataas” na bagay sa mundong-ibabaw (literal man, gaya ng Tower of Pisa; ideyal, gaya ng pagkatao ni Mahatma Gandhi; o namimilosopo lang, gaya ng sahod ng aktres na si Greta Garbo), at ikinukumpara sa sinisinta. Kasali rin sa souvenir CD ang nasabing jazz “standard” ni Porter, bukod sa iba pang mga awiting moderno naman (“Two Fine Lovers” ni Sean Lennon; “Fallen from the Sky” nila Glen Hansard at Marketa Irglova, na mula sa pelikulang Once; “Hands of Time” ng singer-songwriter na si Ron Sexmith; at marami pang iba).
Gaano man karikit ang mga kantang nabanggit ko na, wala pa ring tatalo sa mga awiting nasa katutubo naming wika: ang Filipino; gayundin, walang hihigit pa sa tugtuging live—kaya naman minabuti kong isaalang-alang ang dalawang konsiderasyong ito. Para sa unang bahagi ng seremonya’y minarapat naming patugtugin ang noo’y aking magiging-bayaw, isang pamosong gitaristang-klasikal. Ginawan niya ng instrumental na areglo ang ilang mga piling awit ng aking banda, kabilang na ang kantang sinulat ko para sa aking noo’y nobya pa lamang (nagsilbi itong himig ng martsa ng entourage). Para naman sa pagpasok ng aking mala-diyosang magiging-kabiyak, minabuti kong ipa-areglo sa aking banda ang isang awiting isinulat ko noong kolehiyo; “Nariyan Ka” ang pamagat nito, at kahit dati pa’y inituturing ko na itong isang banal na awiting pinadaan lamang sa akin, kumbaga, at hindi ako mismo ang lumikha (hindi na ito bago, alam ko). Para naman sa sayaw, tinugtog ang “Panalangin” ng APO, na hindi na kinailangan pang butingtingin sa areglo, at, bilang pang-wakas, ang “Huwag Kang Matakot” ng Eraserheads, kung saan binago ng banda nang bahagya ang letra (“Asawa mo naman ako,” kaysa “Kasama mo naman ako”).
Sa lahat ng ito, naturalmente lamang na hindi ako ang umaawit (siyempre, kasi ako ang groom, ‘di ba?), at pinili ko ang pinakamalulungkot (at, gayundin, pinakamalalamig) na tinig na alam ko—Vincent Velasquez, Waya Gallardo, Vin Dancel—ngunit, sa pagkakataong ito, bilang tagapaghatid ng mga himig ng pungay-matang pagliligawan, ng hawak-kamay na romantisismo. P’wede rin pala ‘yun. (Aldus Santos)
Ang mga larawan ay kuha nila Jonas de la Cruz at Nyel O’yek.
Filed under: Blogs, Latest Release
Posted by:
Posted on: Aug 31, 2010
Tags:
Tags: JOSEPH MIRANDILLA, KASAL, THE PURPLECHICKENS, TUGTOG, VIN DANCEL, VINCENT VELASQUEZ, WAYA GALLARDO
No comments yet.
PULSE.PH | Feel the Pulse.
2009 Copyright . All Rights Reserved
Website design and Development by
Wolfpac Mobile Inc.
A Subsidiary of Smart Communications

Join the discussion
By posting your comment you agree to the Pulse.PH terms of service and privacy policy.
You must be logged in to post a comment.